7 Signs na Acceptable ang Pag-ghost sa Isang Tao
May mga offenses na nagpapahiwatig na huwag mo nang pansinin ang isang tao.
Ang ma-ghost ay isang masaklap na karanasan... para sa mga hindi naman deserve ma-ghost. Pero may ibang karapat-dapat naman. Maaaring sabihin na mayroon talagang ilang offenses na nagpapahiwatig na dapat mo nang iwan ang isang tao, at ayon sa experts na aming kinausap, ang offenses na ito ay marami-rami. Kaya sa susunod na makakita ka ng alinman sa red flags na ito, 'wag mag-dalawang isip at maghanda nang umalis, iwanang naka-seen zoned forever ang iyong potentially problematic na kausap. Isang guide sa ghost-worthy scenarios, na co-signed ng aming panel ng relationship experts.
Inconsistent O Hindi Maaasahang Komunikasyon
"Sa mundo ng dating, OK lang na i-ghost ang isang tao na madalas magpakita ng inconsistency sa pakikipag-usap o kakulangan sa interes pagdating sa pakikipag-hang out," sabi ng certified life coach na si Tori Autumn. Karaniwan sa mga tao ang kawalan ng initative sa pagsisimula o pagpapatuloy ng conversation digitally, na siyang nagpapahiwatig kung sila'y may interes sa pakikipag-meet up. Payo ni Autumn na mang-ghost na agad sa ganitong scenario para hindi masayang ang iyong oras at lakas: "Pigilan ang sarili na ipagpatuloy pa ang meaningless na conversation."
Pagpapawalang-bahala sa Consent At/O Personal Safety
Ang consent o paghingi ng pahintulot ay mahalaga sa lahat ng dating situations, sa anumang scenario o pangyayari. Maging ang personal safety — hindi dapat iparamdam sa'yo ng isang date o potential partner na ika'y hindi ligtas sa anumang paraan. Kung magsimula siyang magbanta o manakot, tigilan na ito agad-agad. "Kung ang isang tao ay agresibo sa anumang paraan, gaya ng pag-pressure sa'yo, pakikipag-talo nang wala sa lugar, o mainitin ang ulo at mabilis ma-trigger, retreat at delete," ayon kay Michelle Baxo, isang personal coach at dating expert. "Ituring ito bilang isang act of self-love at pagkakaroon ng healthy boundaries."
Ang pagpili sa pag-ghost kaysa sa transparency o pakikipag-harap dito ay isang smart move para sa iyong kaligtasan. Paglilinaw ni Carla Marie Manly, Ph.D., isang clinical psychologist specializing in relationship safety. "Ang pakikipag-harap sa isang galit at abusadong tao ay mas makakapinsala pa kaysa makabuti. Ang pag-ghost sa isang abusado o chronically angry na tao ay hindi nagsasabing mahina ka; ibig sabihin lamang nito ay matalino ka at matatag."
Kapag Siya'y Hindi Makakuha ng Hint
"Kahit ilang beses mo nang sinubukang magpaliwanag, ayos lang na i-ghost ang isang tao na hindi makahalata na hindi ka interesado sa kanya," sabi ni Autumn. Sang-ayon naman si Manly. "Kapag ang partner ay tumatangging makuha ang mensahe na ang inyong relasyon ay tapos na, kahit ilang beses mo nang itong nilinaw, ang ghosting lamang ang nagiging logical na option minsan."
Posibleng Pag-Catfish
Big deal ito. Catfishing — kung saan ang isang tao'y nagpapanggap na ibang tao online — ay isang totoong problema. "Kung ang tao na kausap mo online ay ayaw makipag-video chat, humihingi ng pera para sa kakaibang dahilan, o di kaya'y gumagawa ng excuses kung bakit 'di niya kayang makipagkita sa personal, mag-move on na at i-ghost siya," payo ni Johnny Santiago ng Social Catfish, isang identity verification platform. Ano pa nga ba ang ibang hindi kapansin-pansin na signs na dapat tignan? "Ang mga catfish ay karaniwang nagu-upload ng marami at iba-ibang photos para maging kapani-paniwala ang kanilang profile, pero ginagawa nila ito sa isang bagsakan," sabi niya. "Isa pang sign na maaaring hindi mo agad mapansin ay marami silang interests o hobbies. Ang isang tao ay karaniwang naglalagay ng isa o dalawang hobbies, pero ang isang catfish ay mayroong unusual amount ng pastimes o hobbies, at pinapanatili niyang malawak ang kanyang interests para maka-attract ng mas maraming tao hangga't maaari."
Wala nang mas maganda pang option dito kundi ang mang-ghost, ayon kay Santiago. "Habang mas kinakausap ng biktima ang catfish, mas lalong nagkakaroon ng kontrol ang catfish," sabi niya. "Ang pinaka-epektibong paraan para makaalis sa ganitong sitwasyon ay sa pamamagitan ng pagputol sa lahat ng communications mo sa kanya; 'wag mong hayaan na mapagsamantalahan ka niya."
Signs ng Pagsisinungaling, Cheating, o Panlilinlang
"Kung pakiramdam mo'y nagsisinungaling ang isang tao sa'yo — at nakakakita ka rin ng isang pattern ng panlilinlang — ang ghosting ay isang smart way para makalayo," sabi ni Manly. "Kung susubukan mong magkaroon ng tapat na pag-uusap sa isang mapanlilang na tao, ang kanilang mga diskarte ay maaaring makapagparamdam sa'yo na ikaw ang may problema. Kaya ghosting lamang ang safe na tactic." Ito'y isang textbook na halimbawa ng gaslighting, isang uri ng psychological abuse na hindi dapat ipagpawalang-bahala o pabayaan.
"Kung pakiramdam mo'y ikaw ay minamanipula para gawin ang mga bagay na labag sa'yong kalooban, ghosting ang isang paraan para manatili kang ligtas," pagpapatuloy ni Manly. "Ang isang manipulative na tao ay karaniwang hindi sumasagot nang ayos sa mga heart-to-heart talks tungkol sa nararanasan mo; ang pakikipag-usap sa isang manipulator ay magdadala lamang ng lalong pagkalito mo at pag-second guess sa iyong sarili. Kaya naman ang pag-ghost sa isang manipulator ay isang matalinong diskarte."
Hindi Ka Mapalagay
May mga oras na hindi mo talaga matukoy kung bakit nakakabahala ang pag-uugali ng isang tao, and that's OK. Hindi mo kinakailangang i-justify ang gut feeling mo — ang pagtitiwala sa iyong instinct ay mahalaga 'pag pakiramdam mo'y hindi ka komportable sa'yong date. At kung gumawa nga siya ng bagay na hindi ka komportable, hindi mo kailangang magpaliwanag sa kanya kung bakit ayaw mo na sa kanya. Kung hindi ka mapalagay sa buong pagkatao ng sinuman, ang pagputol mo ng koneksyon ninyo para sa iyong ikabubuti ay mas may sense kaysa sa pagsasabi ng, "Wala kang kwentang tao."
Kung Pakiramdam Mo'y Ginagamit Ka Lang
"Kung ang isang tao ay nagme-message lamang sa'yo 'pag siya'y may kailangan, isa itong katanggap-tanggap na rason para i-ghost mo siya," ayon kay Justin Lavelle, chief communications officer sa PeopleLooker, isang U.S. background check database. "Kung sinabi mo sa isang tao na tigilan na niya ang pag-contact sa'yo at hindi nila ito ginawa, i-ghost mo na siya." Hindi worth it 'pag ang taong ito'y nagta-take advantage sa'yo — conscious man ito sa part nila o hindi, walang makapagbabago ng iyong gut feeling. Bilang isang preventive measure, payo ni Lavelle na i-document ang inyong pag-uusap: "Isang magandang paraan ang pag-save ng screenshots bago mo ito gawin para mayroon kang proof of harassment kapag lumala pa ito."